Inilunsad na kaninang umaga ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang malawakang desilting operation o paghahakot ng tambak ng basura at burak mula sa Manila Bay.
Naka-deploy ngayon sa Manila Bay ang mga amphibious excavators, dumping scows, dump trucks, debris segregator, street sweepers at vacuum sewer jet cleaners para sa full blast dredging activity.
Mayroon din silang 50 personnel na mag-o-operate 16 oras kada araw.
Ayon kay DPWH Dir. Toribio Ilao, mayroong limang sector ang desilting activities at ang bawat sector ay may 200 hanggang 300 metro ang lawak.
Tatagal ang desilting sa bawat sektor nang tinatayang mula 90-120 araw.
Pumalaot din ang mga assets ng Philippine Coast Guard (PCG) bilang suporta sa rehabilitation efforts ng pamahalaan sa Manila bay.
Ipinakita din sa media ng DENR ang dalawang makabagong gadget na pag-aari ng DPWH na kung tawagin ay sewer inspection camera na gagamitin sa inspeksiyon ng mga sewer lines na konektado sa mga pribadong establisimyento sa palibot ng Manila bay.
Target daw ng desilting operation ang 150 metro mula sa baybayin ng Manila bay.
Tinatayang aabot sa 225,000 cubic meters ng burak mula sa 1.5 kilometrong lawak ng baywalk mula US Embassy hanggang Manila Yacht Club ang mahahakot sa dredging operation.