Naging pangkalahatang mapayapa o generally peaceful ang kick off ng 90 araw ng kampanyahan ng mga tumatakbo sa national position kahapon.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Spokesperson James Jimenez, wala raw silang natanggap na ano mang untoward incidents sa pagsisimula ng campaing period bilang bahagi ng May 9 elections.
Aniya sumunod naman daw ang lahat ng mga kandidato maliban na lamang sa ilang rason at isa rin ang bigong makakuha ng permit para makapagsagawa ng pangangampanya.
Samantala, sinabi naman ni Comelec-Education and Information Division Director Elaiza David nakatanggap ang mga ito ng 71 permit applications na humihiling ng campaign rallies sa iba’t ibang rehiyon kabilang na ang apat mula sa presidential aspirants sa National Capital Region at Region 3 (Central Luzon).
Posible naman umanong maharap sa election offense si presidential candidate Leody de Guzman dahil itinuloy pa rin nito ang kanyang aktibidad kahit hindi ito nakakuha ng permit sa Comelec Campaign Committee para sa kanyang proclamation rally sa Quezon City.
Una rito, nilinaw ni Jimenez na hindi nila pinagbabawalan ang mga kandidato sa pangangampanya pero nais lamang nilang ma-regulate ang mass gatherings sa gitna na rin ng nararanasang pandemic.
Hiniling din nito sa publiko na i-report sa komisyon ang mga election violations sa pamamagitan ng kanilang social media o online.