-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Ang pagtatatag ng isang Incident Command System o ICS sa panahon ng emergency o anumang crisis situation ay napakahalaga upang matugon ng maayos at mahusay ang pangangailangan ng mga biktima at makontrol ang posibleng paglala ng sitwasyong dala ng kalamidad o anumang uri ng emergency.

Ito ang layon ng limang araw na pagsasanay ng City Disaster Risk Reduction and Management Council o CDRRMC ng Kidapawan mula Marso 13-17, 2023 na ginaganap sa Park Lay Suites, Barangay Poblacion, Kidapawan City na pinangangasiwaan ng Office of the Civil Defense 12.

Ang CDRRMC kasama ang iba pang ahensiya kasi ang magiging miyembro ng itatatag na Incident Command Team sa oras na tumama ang kalamidad sa lugar maging ito man ay natural o man-made.

Dito na papasok ang kahalagahan ng Incident Command System o ICS na mayroong 5-level training o ladderized training na magbibigay ng sapat na kaalaman pagdating sa pag-oorganisa at pagpapatakbo ng isang command system.

Ang ICS ang siyang tututok sa naganap o nagaganap na kalamidad at magsagawa ng epektibong tugon upang agad maka-recover sa negatibong epekto ng kalamidad o disaster tulad ng sunog, flashflood, lindol, terorismo, at iba pa.

Si OCD12 Information Officer Jarie Mae Balmediano ang nangasiwa sa limang araw na pagsasanay at siyang resource person na unang nagbigay ng lecture sa mga partisipanteng kinabibilangan ng CDRRMC members, Incident Management Team members mula sa LGU Kidapawan, Rapid Damage Assessment and Needs Analysis o RDANA team, at City DRRMO personnel na pinangungunahan ni City DRRM Officer Psalmer Bernalte.

Ayon kay Balmediano, ang mga participants ng 5-day training ay bibigyan ng sapat na kaalaman patungkol sa Integrated Planning Course on Incident Command System o IPICS na importanteng bahagi ng pagtatag ng isang Incident Command System sa panahon ng aberya at ang mahalagang papel na gagampanan ng bawat kasaopi ng ICS.

Samantala, kabilang din sa resource persons sina Phil Jamero na dating Fire Marshall ng BFP Kidapawan at Engr. Ernie Diaz, ang Municipal DRRM Officer ng Tulunan na kapwa mga Cadre ng OCD12 o mga specially trained officers pagdating sa disaster preparedness at disaster response.

Pareho nilang binigyang-diin ang halaga ng pagsasagawa ng nabanggit na training at ang malaking kaibahan na magagawa ng pagtatatag ng ICS sa oras na may maganap na disaster.

Para naman kay Psalmer Bernalte, ang City DRRM Officer ng Kidapawan at isa sa mga partisipante ay nagkakaroon ng mas malawak na kaalaman at kakayahan ang mga key personnel na tulad niya mula sa training na ito na ipinagkaloob ng OCD12.

Inihayag naman ng ilan sa mga partisipante ang malaking naitulong sa kanila ng nabanggit na training at umaasang magtutuloy-tuloy na sila sa susunod pang mga level ng ICS.

Matapos naman ang Level II training ng ICS ay inaasahang makakamit ng bawat partisipante ang kaukulang kaalaman partikular na sa unit activation. team interaction, information gathering, strategies, resource status systems, planning process, ganundin ang msps, transfer of command, at demobilization and close out.