-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Balik sa four-day work week schedule ang City government sa syudad ng Kidapawan.

Dahilan nito ang dagdag na kaso ng coronavirus disease sa lungsod.

Ito ang nakapaloob sa Memorandum number 039 s. 2021 kung saan ay ipinapa-recall ng opisina ni City Mayor Joseph Evangelista ang naunang Memorandum number 1865 dated December 23, 2020 na nag-uutos na ibalik na sa 5 days regular working schedule ang city government.

Ibig sabihin, mula araw ng Lunes hanggang Huwebes lamang ang pasok sa maraming tanggapan ng lokal na pamahalaan.

Bukas naman para sa mamamayan ang mga essential offices ng city government na sakop ng EO 73 s. of 2020 ni Mayor Evangelista na naatasang magbigay serbisyo sa panahon ng pandemya.

Sa ilalim nito ay maglalagay ng skeletal workforce sa mga opisinang sakop ng EO 73 at magkakaroon din ng work from home ang ilang mga empleyado para matiyak na tuloy-tuloy ang serbisyo sa mga mamamayan.

Bukas naman sa araw ng Biyernes ang mga opisinang hindi sakop ng Memo number 039 gaya ng Business Processing and Licensing Office, Treasurer’s Office, City Assessor, CPDO Zoning Division, Office of the City Building Official at iba pa na napapabilang sa Business One Stop Shop o BOSS para tumanggap at magproseso ng transaksyon sa mga renewals and applications ng mga business permits at tricycle franchises.