CENTRAL MINDANAO- Dahil sa mga nakitang kakulangan sa pagsunod sa guidelines na itinakda ng DILG, hindi muna papayagan ng City Government na mag operate ang sabungan sa lungsod.
Ito ay matapos isinailalim sa ocular inspection ng City Covid19 Compliance and Monitoring team hapon ng November 3, 2020 ang isang licensed cockpit sa lungsod.
Ilan sa mga nakitang kakulangan ang malabo na pagsunod sa probisyong nagdidikta sa physical distancing, limitadong bilang ng mga papasok, hindi sapat na bilang ng CCTV Camera, walang thermal scanner, at iba pang mga kakulangan sa pag comply sa guidelines na itinatakda ng DILG.
Matatandaang pinayagan na ng National IATF ang pagsagawa ng sabong sa mga lugar na isinailalim sa MGCQ, ngunit kailangang sumunod ng mga operator sa mga guidelines na itinakda ng DILG.
Inatasan ng National IATF ang mga LGU na seguruhin ang pag comply sa mga guidelines na ito bago pang papayagan ang pag-operate ng isang licensed cockpit.
Ayon pa sa guidelines, tatlong tao lamang ang papayagan sa loob ng rueda, samantalang walo lamang katao ang papayagan sa labas ng ring, pagbabawal sa pagsisigaw sa loob ng sabungan, sapilitang pagsusuot ng angkop na face mask at face shield, bawal na papasukin ang mga nakainom, pagbabawal na magbenta sa labas ng sabungan, pagbabawal sa live streaming o paggamit ng gadget sa loob ng sabungan, at maraming iba pa.
Sa kasalukuyan, wala pang licensed cockpit ang pinahintulutang mag operate ng City Government.
Wala pang malinaw na petsa kung kailan papayagang magbukas muli ang mga sabungan, ayon na rin sa Compliance and Monitoring team kung kaya at kinakailangang masunod ng mga operator ang itinatakdang guidelines.
Magpapatupad ng ‘ONE STRIKE’ policy ang City Government sa mga sabungan na makikitaan ng paglabag sa guidelines at agad na isasara ang mga ito.