CENTRAL MONDANAO-Nasa ika-anim na pwesto ang Kidapawan City sa buong bansa sa National Consolidated Anti-Drug Abuse Council (ADAC) Performance Audit ng Department of the Interior and Local Government o DILG.
Sakop nito ang Performance Audit mula taong 2017 hanggang 2020 kung saan ay nakapagtala ng mataas na marka ang lungsod sa mga programa nito sa pagsugpo ng illegal na droga.
Nanguna din ang Kidapawan City sa buong SOCCSKSARGEN Region 12 sa Anti-Drug Abuse Council o ADAC Performance Audit ng DILG sa mga nabanggit na taon.
Patunay lamang ito sa epektibong mga programs and interventions na ipinatupad ni City Mayor Joseph A. Evangelista na kinilala naman ng ahensya at dapat na gawing halimbawa o pamarisan ng iba pang mga Local Government Units ng bansa.
Nakakuha ng 91.88% ‘High’ performance rating ang Lungsod ng Kidapawan sa ADAC Performance Audit, ayon pa sa DILG.
Ilan lamang sa mga programang ipinatupad ng Evangelista administration laban sa illegal na droga ay ang mga sumusunod: Balik Pangarap program na naglalayong matulungang makabalik sa pamayanan ang mga dati ng gumagamit ng droga o Persons Who Used Drugs, Community Anti-Drug Rehabilitation Centers, Information, Education and Communication sa mga barangay at paaralan, at pagbibigay ng suporta at pondo para sa mga Barangay Drug Abuse Councils o BADAC.
Patuloy namang hinihikayat ng City Government of Kidapawan ang mamamayan lalo na ang mga kabataan na iwasan ang paggamit ng illegal na droga dahil magiging dahilan lamang ito ng pagkasira ng buhay.