CENTRAL MINDANAO-Ginawaran ng parangal bilang Most Outstanding LGU ang Kidapawan City sa buong Lalawigan ng Cotabato sa Binhi ng Pag-asa Program Provincial Youth Summit o BPP na ginanap sa Provincial CapitolGymnasium, Amas, Kidapawan City.
Iginawad ang naturang parangal sa lungsod dahil sa maayos at mahusay na implementasyon ng mga programa para sa kabataang magsasaka o mga young farmers at young fisherfolks.
Nasa ilalim ng Dept. of Agriculture – Agricultural Training Institute o DA-ATI ang BPP na naglalayong palakasin ang programang pang-agrikultura sa hanay ng kabataan at maging kabahagi sila sa pagpapalakas ng food production ganundin ang food sustainability.
Sa pamamagitan ng BPP ay nabiyayaan ang abot sa 25 young farmers sa Kidapawan City kung saan tumanggap sila ng mga starter kits for free range chicken, trainings at iba pa ngayong 2022.
Si City Agriculturist Marissa Aton ang tumanggap ng Plaque of Recognition na may lagda ni DA-ATI12 Head Abdul Dayaan. Kasama niya sa pagtanggap ng parangal sina Assistant City Agriculturist Elpidio Gaspan, 4H Club Coordinator Charity Tayapad, City Agribusiness Coordinator Teodorico Pabalinas, Jr. at 4H Provincial Coordinator Judy Gomez.
Tumanggap din ng special award si Tayapad bilang Outstanding 4H Club Coordinator habang nakamit naman ni Darryl Flores ang First Place sa Documentary Making Contest.
Ibinahagi naman ni Jomarie Lao ang kanyang karanasan bilang kinatawan ng lungsod sa Taiwan (Filipino Young Farmers Internship Program in Taiwan) sa mga dumalo sa summit at hinimok ang iba pang kabataang magsasaka na ituloy lang ang kanilang pagsisikap sa tulong ng programa ng pamahalaan.
Bilang panghuli ay pinasalamatan ni Aton at ng 4H Club si Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa patuloy na suporta sa mga layunin ng samahan at sa mga programang inilalaan sa mga kabataang magsasaka.