CENTRAL MINDANAO-Isa na namang parangal ang iginawad sa City Government ng Kidapawan na nagpapatunay ng mahusay na liderato at epektibong pamumuno ng mga local na opisyal ng lungsod.
Ito ay ang National Anti-Drug Abuse Council Performance Award 2021 na bago lamang iginawad ng National Anti-Drug Abuse Council sa City Government of Kidapawan.
Una ng sumailalim ang Lungsod ng Kidapawan sa performance audit na isinagawa ng NADAC at matagumpay nitong naipasa ang assessment at evaluation (functionality points) na nakapaloob sa performance audit sa larangan ng anti-illegal drug campaign at iba pang programa at inisyatiba sa pagsugpo ng droga.
Kinakitaan din ang City Government of Kidapawan ng magandang koordinasyon sa mga ahensiya ng gobyerno na nagsusulong ng kampanya laban sa droga tulad ng Dept of Interior and Local Government o DILG, Phil Drug Enforcement Agency o PDEA, Dangerous Drugs Board o DDB, Dept of health o DOH at mga Non-Government Organization o NGO.
Ito ay sa kabila ng mga suliranin at hamon na kinaharap ng city government sa pagtulong sa mga drug-addicts na nais ng magbagong-buhay o Persons Who Used Drugs o PWUD.
Samantala, ang iba pang mga lugar sa Lalawigan ng Cotabato na napabilang sa Anti-Drug Abuse Council National Awardee ay ang mga bayan ng Carmen, Magpet, Pigcawayan, President Roxas, Banisilan, at Arakan.
Ikinatuwa naman ni Mayor Atty Jose Paolo M. Evangelista ang naturang parangal at pinasalamatan ang lahat ng mga local officials kabilang na ang dating Mayor at ngayon ay Senior Board Member ng 2nd District of Cotabato Joseph A. Evangelista sa pagsisikap ng mga ito na mapalakas ang programa laban sa illegal drugs at mailigtas ang buhay ng mamamayan lalo na ng mga kabataan.