CENTRAL MINDANAO-Isa na namang karangalan ang natanggap ng City Government of Kidapawan sa larangan ng Disaster Risk Reduction Management o DRRM.
Ito ay matapos na mapabilang ang lungsod sa talaan ng mga Fully Compliant Local Government Units Awardees na bago lamang inilathala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC kaugnay ng 22nd Gawad KALASAG Seal for Local DRRM Councils and Offices para sa kasalukuyang taon ng 2022.
Ang National Gawad KALASAG Committee ang siyang nagsagawa ng evaluation at selection ng mga DRRM councils, Civil Society Organizations, schools, hospitals, at iba pang mga grupo o indibidwal na napatunayang may mahusay na programa pagdating sa disaster preparedness at resilience.
Kabilang sa mga criteria upang mabigyan ng naturang recognition o Gawad KALASAG seal ay ang mga sumusunod: Disaster Prevention and Mitigation, Disaster Preparedness, Disaster Response, at Disaster Rehabilitation and Recovery.
Nasa 436 na mga LGUs sa buong bansa ang nasa talaan kabilang ang Kidapawan City kung saan pumasa at nakakuha ng mataas ng marka ang kapwa City Disaster Risk Reduction and Management Office o CDRRMO at City Disaster Risk Reduction and Management Council o CDRRMC.
Kaugnay nito, inaasahan na magpapatuloy ang mahusay na DRRM programs ng lungsod partikular na ng CDRRM Council na pinamumunuan ni City Mayor Atty Jose Paolo M. Evangelista bilang Chairperson at ng CDRRM na pinamumunuan naman ni CDRRM Officer Psalmer Bernalte.
Samantala, ang iba pang mga napabilang sa fully compliant LGUs sa Cotabato Province ay kinabibilangan ng mga bayan ng Alamada, Aleosan, Carmen, Libungan, Magpet, Matalam, Pigcawayan, Midsayap at Tulunan.