-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Namagitan na ang Kidapawan City LGU hinggil sa kawalan ng tubig na nararansan ng karamihan sa mga konsumidores ng MKWD.

Tina-target na mabibigyan ng tubig ang mga apektadong residente simula sa hapon ng June 2, 2020, ayon na rin sa napagkasunduan sa inter-agency meeting ni City Mayor Joseph Evangelista at mga opisyal ng Metro Kidapawan Water District, Bureau of Fire Protection, Philippine Red Cross at mga department heads ng City Government .

Pumayag na si Mayor Joseph Evangelista na magrenta ng dagdag na mga water trucks na siyang magbibigay ng tubig maiinom sa tinatayang mahigit sa 16,000 apektadong households ng Kidapawan City habang inaayos pa ng MKWD ang source ng tubig nito sa may Saguing River Watershed area.

Matatandaang animnapung porsyento o mahigit sa 22,000 ng mga household concessionaires ng MKWD sa Kidapawan City at mga bayan ng Makilala at Matalam ang nawalan ng tubig matapos magka landslide sa nabanggit na source bunga ng patuloy na mga pag-ulan sa Saguing River Watershed Area.

Mataas ang lebel ng putik sa tubig mula sa naturang lugar na hindi rin ligtas na inumin ng mga water consumers, ayon pa sa MKWD.

Sagot na ng City Government ang renta at gasolina ng lahat ng truck na magdi-deliver ng libreng tubig maiinom.

Manggagaling ang source ng tubig sa Bongolanon Magpet Watershed Area source ng MKWD.

Mga truck ng MKWD, Red Cross, Gensan at Cotabato City Water Districts (na hiniram ng MKWD) at iba pa ang maglilibot sa maraming lugar sa lungsod para matugunan ang kawalan ng tubig maiinom.

Naka sentro naman ang fire truck ng Kidapawan City BFP sa pagbibigay ng tubig na pang linis sa Mega Market at Slaughterhouse kasali na rin ang mga Covid19 Isolation Facilities at Disinfection points na itinayo ng City Government.

Ilalagay ng City Government ang mga truck ng tubig sa iba’t-ibang mga barangay sa pamamagitan ng ‘rotational basis’ upang masegurong mabibigyan ang lahat ng apektadong residente.

Maglalagay naman ng security ang City PNP sa mga truck ng tubig sa panahon ng distribution para masegurong maayos at nasusunod pa rin ang anti-Covid19 protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at physical distancing ng mga residente.

Magpapalabas naman ng anunsyo ang City Government at MKWD kung saan-saang mga lugar ang schedule ng water rationing.