CENTRAL MINDANAO- Namigay ng paunang tulong ang City Government sa labing anim na pamilyang sinalanta ng malakas na hangin o buhawi sa Barangay Kalaisan Kidapawan City.
Ito ay matapos ipag-utos ni City Mayor Joseph Evangelista ang pamimigay ng tulong sa mga pamilyang nasiraan ng tahanan at iba pang ari-arian matapos hagupitin ng malakas na hangin bunga ng matinding pag-ulan ang kanilang barangay.
Binigyan ng tig iisa hanggang sa tig dalawang kahon na de-latang pagkain at bigas, sleeping at hygiene kits at gamit sa pagluluto ang bawat pamilyang nasalanta.
Mamimigay din ang City Government ng Php 5,000 na halaga ng materyales sa pagpapagawa ng nasirang bahagi ng kanilang tahanan bilang dagdag na tulong.
Sinuyod ng mga kagawad ng CSWDO, CDRRMO, City Mayor’s Office at barangay officials ang mga lugar kung saan may mga apektadong pamilya upang magpa-abot ng agarang tulong.
Lahat ng mga pamilyang apektado ay nasiraan o natuklap ang bubong ng bahay matapos hagupitin ng malalakas na hangin.
Una ng nakapagbigay ng ayuda sa pamamagitan ng community kitchen ang CSWDO at mismong Barangay LGU para sa mga apektadong pamilya.