CENTRAL MINDANAO-Magiging mas mabilis, mas mahusay at mas malaki na ang kabuoang ayudang matatanggap ng mga biktima ng kasawiang palad mula City Government of Kidapawan dahil nagtatag na si Mayor Atty Jose Paolo M Evangelista ng PAG-AMUMA ASSISTANCE UNIT na syang mag-aasikaso sa mga ayudang nakalaan para sa kanilang pangangailangan.
Pag-iibayuhin nito ang mga serbisyong social tulad ng hospitalization, gamot, namatayan, relief goods, pagpapatayo ulit ng bahay dahil sa sunog at kasiraan na dala ng kalamidad at iba pang uri ng serbisyo sa mamamayan ay itinatag ni City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista ang “Pag-amuma Assistance Unit.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 1, series of 2023 na nilagdaan ni Mayor Evangelista noong Enero 9, 2023 ay pormal na nabuo ang “Pag-amuna Assistance Unit” na direkta naman niyang pamumunuan at pangangasiwaan.
Kabilang sa mga tanggapan na bumubuo bilang miyembro ng PAU ay ang City Mayor’s Office, City Administrator’s Office, City Social Welfare and Development Office, City Disaster Risk Reduction and Management Office, City Health Office, City Legal Office, Office of the Barangay Affairs, Call 911, City General Services Office, at iba pa.
Magsisilbing coordinating body ang PAU na siyang tututok sa pagbibigay ng tulong mula sa City Government.
Sa ilalim ng naturang unit, magiging centralized ang pagtanggap at pagproseso ng mga tulong para sa mga lumalapit na residente ng Lungsod ng Kidapawan na tiyak naman na mas mabilis dahil may itatalagang personnel na mag-aasikaso rito.
Tungkulin ng itinalagang personnel na i-forward sa partikular na tanggapan ang request (kasama ang mga kailangang papeles/dokumento) ng mga humihingi ng tulong at magsagawa ng follow up upang ito ay maibigay ng mas mabilis sa nangangailangan.
Kailangan namang bigyan ng prayoridad ang mga disadvantaged o vulnerable individuals o ang mga mahihirap na mga residente (below average income) base na rin sa rekomendasyon ng City Social Welfare and Development Office.
At para mas maging epektibo ang komunikasyon at koordinasyon ng bawat tanggapan ay maglalagay naman ng PAU Desks sa bawat opisina upang matiyak ang maayos na daloy ng transaksyon at mabilis na maibigay ang kinakailangang serbisyo.
Isasagawa din ang digital monitoring ng mga pending at ongoing request for assistance para malaman ang status at makapagbigay ng agarang update sa ayuda.