-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Napakahalaga umano ng papel na ginagampanan ng mga kabataan sa kani-kanilang komunidad lalo na ngayong panahon ng pandemiya.

Ito ang binigyang-diin ni Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista sa mensahe na kanyang ipinarating sa Federation of Sangguniang Kabataan (SK) ng Cavite kung saan napili siyang guest speaker at resource person sa webinar.

Bahagi ng pinalawig na selebrasyon ng Linggo ng Kabataan 2021 ang naturang aktibidad na may temang โ€œTransforming Food System: Youth innovation for human and planetaryโ€ kung saan sinabi ng alkalde na malaki ang magagawa ng kabataan partikular na sa larangan ng food production at food sustainability.

Aminado si Mayor Evangelista na limitado ang kilos ng karamihan ngayong may pandemiya ng COVID-19 ngunit hindi ito dahilan upang hindi makatulong ang mga kabataan sa kanilang komunidad.

Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Reinel Ferrer, SK federation president ng Cavite si Mayor Evangelista sa pagbibigay nito ng panahon sa kanilang aktibidad kasabay ang pagkilala sa alkalde bilang isang tapat, masigasig, at matulunging lider.

Sa kabilang dako, pinuri din ng alkalde ang mga youth leader na bumubuo ng Sibol Kidapawan.

Magkakaroon ng launching ang Sibol Kidapawan sa Setyembre 18, 2021 kasabay ng Youth Leadership Congress na may temang Pamuwa 2021: Ang Simula ng Pagyabongโ€ sa pamamagitan ng zoom at Facebook live.

Sinabi ng alkalde na bilang isang youth organization, malaking hamon sa mga kasapi ng Sibol Kidapawan ang pagganap ng kanilang tungkulin lalo na sa kasalukuyang panahon kung saan nananalasa ang COVID-19.

Ngunit tiwala raw siya na magagawa ng mga kabataang lider na makatulong sa komunidad sa pamamagitan ng angkop na programa at sa pakikipag-ugnayan sa pamahalaan at pati na sa mga non-government organizations.

Bilang tugon, nangako naman sina Nur-aine Jaizzah Isla, Project Head at Vincent Arnold Gomez, External Affairs Head ng Sibol Kidapawan na gagawin ang lahat ng makakaya upang mapaangat pa ang hanay ng kabataan at marinig ang kanilang boses at saloobin sa komunidad.

Layon din ng Sibol Kidapawan na linangin ang kakayahan ng mga kabataan na mamuno at tumugon sa mga nangungunang isyu at suliranin na kanilang kinakaharap tulad ng teenage pregnancy, drug addiction, at iba pa.