CENTRAL MINDANAO-Muling nanawagan ng kooperasyon mula sa publiko si Kidapawan City Mayor Joseph Evangelista kugnay ng tumataas na kaso ng Coronavirus Disease (Covid-19) sa lungsod.
Nasa mahigit isang daang kaso na ng Covid-19 ang naitatala ng City Government sa kasalukuyan.
Maliban sa pagsunod sa itinatakdang minimum health protocols, panawagan ng alkalde sa lahat na umiwas munang pumunta sa mga mass gathering gaya ng kainan, lamay, o alin mang okasyon na marami ang tao ng maiwasang mahawa sa Covid19.
Family transmission o mismong mga miyembro ng pamilya na may Covid virus ang nakakahawa sa iba sa loob pa mismo ng tahanan, ayon pa kay Mayor Evangelista.
Nasa 83% capacity na ang lahat ng mga isolation at quarantine facilities sa lungsod, pagbubunyag pa ng alkalde.
Nagbanta si Mayor Evangelista na posibleng ibabalik ng City Government ang implementasyon ng protocols sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine period noong nakalipas na taon kung saan ay mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas ng lahat sa bahay kung hindi man lang kinakailangan , paghihigpit sa mga checkpoints, paggamit muli ng quarantine passes, paglimita sa public transportation at limited capacity sa mga essential establishments.
Hinikayat ng alkalde na magpabakuna na ang lahat pagsapit ng kanilang vaccination schedule para maiwasan na magka-komplikasyon sa Covid19.