CENTRAL MINDANAO- “Magtrabaho muna bago mamulitika” , ito ang ipinaparating na mensahe ni City Mayor Joseph Evangelista sa pamunuan ng Sangguniang Panlungsod kung saan ay nananatiling nakabinbin pa rin ang ordinansa sa pagsasakay ng apat na pasahero ng mga tricycle at ang pag-aapruba ng Supplemental Budget.
Wala umanong dahilan para patagalin pa nina City Vice Mayor Jivy Roe Bombeo at ng Sanggunian na hindi aksyunan ang Ordinansa at Supplemental Budget na gagamitin ng City Government para tugunan ang problemang dala ng Corona Virus Disease 2019 sa sector ng transportasyon at maging sa usaping pangkalusugan.
Matatandaan na certified urgent ng alkalde ang naturang mga request noon pang nakalipas na linggo ngunit dalawang beses nang inadjourn ng maaga ang magkasunod na Special at Regular Sessions.
Una ng pinanukala ng alkalde ang pagsasakay ng apat na pasahero sa tricycle basta’t may kaukulang ordinansa ngunit, sa hindi malamang mga kadahilanan ay hindi pa ito inaaksyunan ng SP.
Ito ang nakikitang pinaka-epektibong solusyon ng alkalde sa hirap na dinaranas ng mga tsuper at pasahero na dala ng Covid19 pandemic.
Bawas na nga ang kinikita ng mga tsuper dahil da-dalawa lang ang pinapayagang ikarga ng tricycle para maseguro ang safe physical distancing at dagdag pasakit din ito sa mga commuters na umaaray na sa mahal na pamasahe matapos maipatupad ang community quarantine kontra Covid19.
Isinusulong din kasi ng alkalde na i-subsidize ng City Government ang pagbili ng makapal na plastic para ilagay sa mga tricycle para proteksyon ng driver at pasahero na hindi mahawaan ng sakit saka –sakali.
Gayun din sa Supplemental Budget na inaasahang makatutugon sa dagdag na ayuda sa nagpapatupad ng anti Covid19 protocols partikular ang pangangailangan ng mga karagdagang isolation facilities at Personal Protective Equipment (PPE) para sa mga lumalaban sa giyera kontra Covid19.
Dagdag pa rito ang pagsasaayos ng Refrigerated Centrifuge ng City Blood Center na lubhang kinakailangan sa pagbibigay ng dugo at platelet sa mga biktima ng dengue fever na nagsimula na namang manalasa sa ilang lugar sa Kidapawan City.
Matatandaang may labing-isang kaso na ng dengue na naitala sa Brgy Ginatilan.
Malalagay sa alanganin ang buhay at kaligtasan ng lahat ng mamamayan kung mananatiling walang aksyon ang SP sa mga isinusulong ng Ehekutibo, dagdag na sinabi ni Mayor Evangelista sa panayam sa kanya.
Inaasahan ng alkalde ang approval ng SP ngayong linggo para sa naturang mga kahilingan.