-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Matapos maantala dahil sa nakaraang mga lindol noong 2019 at sa pagputok ng pandemya ng COVID-19 noong 2020, ay natuloy na rin sa wakas ang turn over at blessing and inauguration ng bagong birthing home center sa Barangay Ilomavis, Kidapawan City.

Nanguna sa aktibidad si acting city information officer Atty. Jose Paolo Evangelista.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Atty. Evangelista na mahalagang ituloy ng city government of Kidapawan kasama ang mga barangay officials ang kampanya laban sa COVID-19 at isantabi muna ang pulitika kasabay ang paghikayat sa bawat sector na magtulungan.

Kasama rin sa turn over ng proyekto si Kidapawan City Health Officer Dr. Jocelyn Encienzo at punong barangay ng Ilomavis na si Jimmy Mantawil at kagawad ng barangay.

Pinasalamatan naman ni Mantawil sina Atty Evangelista ganondin si Mayor Joseph Evangelista sa patuloy na suporta sa kanilang barangay at pagpapatupad ng mga proyektong pinakikinabangan ng Barangay Ilomavis.

Abot naman sa P2.8 million ang orihinal na pondong inilaan sa birthing home center ngunit kinailangan pa ang karagdagang P800,000 na pondo para sa repair o pagsasaayos ng gusali matapos itong maapektuhan ng sunud-sunod na lindol nitong 2019 kaya naman umabot ito ng P3.3 million.

Nagmula sa Department of Health–Center for Health Development ang nabanggit na mga pondo.

Naging posible naman ito dahil sa pagsisikap ng city government of Kidapawan na maipatayo ang isang pasilidad na laan para sa mga buntis at mga manganganak sa Barangay Ilomavis at iba pang barangay at matiyak ang kanilang kaligtasan.

Samantala, matapos ang turn over ay namigay ang City Health Office ng mga mahahalagang gadget at iba pang gamit para sa birthing homes kabilang ang set of emergency light, box ng alcohol, cotton rolls, set ng BP Apparatus, tube plaster tube, stethoscope, isang pack ng gauze swab, Aneroid Sphygmomanometer, box ng disposable gloves, Omron nebulizer at mga personal protective equipment.

Dahil dito, lubos ang kasiyahan ng mga health workers na mangangasiwa sa birthing home center ng Ilomavis dahil maliban sa bagong gusali ay kumpleto pa sila sa kagamitan.