CENTRAL MINDANAO-Pasado na ang Kidapawan City Molecular Laboratory sa Self-Assessment (Step 1) at On-Site Assessment (Step 2) na isinagawa ng Department of Health โ Research Institute for Tropical Medicine o DOH-RITM.
Ito ang nabatid mula kay Kidapawan City Hospital Chief Dr. Hamir Hechanova, siya ring Head ng One Hospital Command System o OHCS Chief at ng Kidapawan City Molecular Lab sa ginanap na meeting ng Local Inter-Agency Task Force o LIATF for Covid-19 sa pangunguna ni Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista.
Ayon kay Dr. Hechanova, nitong huling bahagi lamang ng Agosto 2021 nag-apply ang City Government of Kidapawan ng laboratory assessment sa DOH12 kung saan matagumpay na natapos ang Step 1 at Step 2 ng proseso nito.
Sa kasalukuyan ay nasa Compliance o pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento (Step 3) ang nabanggit na laboratoryo kung saan kinakailangang matapos ito sa loob ng 30 araw.
Sa sandaling makumpleto ang mga hinihinging dokumento ay maaari ng mabigyan ng rekomendasyon ng DOH โ RITM ang Kidapawan City Molecular Laboratory para gawin ang Proficiency Testing (Step 4) kung saan nakapaloob rito ang pagsagawa ng mga laboratory personnel ng accurate o wastong test sa mga samples mula sa mga pasyenteng nagpapa-swab test.
Kapag nakakuha ng hanggang limang tamang resulta o accurate test results ang laboratoryo ay maaari na itong payagan ng DOH12 na tuluyang magsagawa ng independent Covid-19 testing o Full Scale Implementation (Step 5).
Kaya naman matapos makapasa sa Step 1 at Step 2 ay pursigido ang city government na makapasa sa Step 3, 4, and 5 sa lalong madaling panahon upang magamit na ang naturang laboratoryo sa kalagitnaan ng Oktubre 2021.