CENTRAL MINDANAO-Tanging ang Kidapawan City lamang sa mga City Local Government Units sa buong bansa ang recipient ng 2022 Energy Efficiency Excellence o EEE Award for Government mula sa Department of Energy.
Patunay ito sa mahusay, matipid at wastong paggamit ng kuryente at gasolina ng City Government of Kidapawan sa pagbibigay serbisyo sa mamamayan, na nagbigay daan upang hirangin bilang natatanging City Local Government Unit na ginawaran ng DOE ngayong taong 2022.
Mismong si Department of Energy Secretary Raphael Lotilla ang personal na nag-abot ng 2022 EEE Award for Government kay City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista sa National Capital Region.
Naging susi ng City Government sa pagkamit ng parangal ang tatlong Best Practices nito na kinilala at hinahangaan ng DOE: Matipid at wastong paggamit ng mga air conditioning units, computers, pailaw at iba pang de kuryenteng kagamitan sa mga opisina at pasilidad na pag-aari ng City Government, paglalagay ng mga LED na pailaw at solar lights sa mga street lights ng lungsod, at paglalagay din ng Global Positioning System o GPS sa mga sasakyang pag-aari ng City Government para ma-monitor ang wasto at mahusay na paggamit ng gasolina.
Nakapagrehistro ng 17,805.86 kWh at 56,822.03 liters ng consumption savings mula sa paggamit ng kuryente at gasolina ang City Government of Kidapawan, ayon mismo sa DOE.
Dumaan naman sa masusing evaluation ng mga DOE ang best practice na ito ng City Government bago nakamit ang 2022 EEE Award for Government.
Mula sa 327 entries sa buong bansa, kung saan ay 153 ang pumasok sa shortlist at natapyas na lamang sa 24 finalists na kinabibilangan ng 3 LGU’s, ang Kidapawan City lamang sa City LGU category ang nag-iisang nanalo sa 2022 EEE Award for Government ng DOE.
Kasama ni Mayor Evangelista na tumanggap ng EEE Award ay sina City GSO Ludivina T. Mayormita, Atty. William M. Angos, Sonny Doctor, Michael John Villanueva at Tessie Love Melodias.
Basehan ng pagbibigay EEE Award ang Department Order No. DO 2021-09-0014 “Guidelines on Energy Efficiency Excellence Awards” ng DOE.