-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Nadagdagan pa ang mga bagong pasilidad ng Kidapawan City Police Station o KCPS.

Ito ay makaraang ganapin ang Blessing and Turn-Over Ceremony ng bagong tayong Barracks ng KCPS sa pangunguna ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista kasama si Kidapawan City Chief of Police PLTCOL Peter L. Pinalgan, Jr.

Taglay ng bagong barracks ang apat na mga silid na magsisilbing quarters at pahingahan ng mga personnel ng city police.

Nakapaloob sa programa ang signing of deed of donation, ribbon cutting, blessing ng bagong gusali na pinangunahan ni Fr. Alfredo P. Palomar, DCK, at mensahe mula kay Mayor Evangelista kung saan binigyang-diin ng alkalde ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa lungsod.

Nagmula sa City Government of Kidapawan ang halaga ng pondong ginamit sa pagpapatayo ng naturang barracks na abot sa P500,000.

Resulta naman ito ng ibayong koordinasyon at pagtutulungan ng KCPS at ng City Government of Kidapawan para sa ikabubuti ng mga personnel ng local police.