-- Advertisements --
akg1

Nakakulong na ang isang wanted kidnapper na naaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa ikinasang law enforcement operation nitong Biyernes, February 5, sa Ayala Alabang, Muntinlupa City.

Kinilala ni PNP-AKG director B/Gen. Jonnel Estomo ang nahuli na si Arnold Gastador Vargas na nahaharap sa kasong kidnapping for ransom and serious illegal detention.

Ayon kay Estomo, ang mga tauhan ng PNP-AKG Intelligence Research and Analysis Division sa pamumuno ni Col. Edward Cutiyog ang nanguna sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa suspek.

Ang warrant of arrest ay inisyu ni Hon. Tomas Ken Romaquin, presiding judge ng Regional Trial Court Branch 25, 4th Judicial Region ng Binan City, Laguna.

Bukod kay Vargas, nakilala rin ang iba pang mga suspek na sina Jai Deep, Joginder Singh, Amit Bansal, Deep Sidhu, Peter John Dumdumaya, Wilbert Repol Ong, at Vergel Tagupa.

Sangkot sila sa pagdukot sa isang Indian national na nagngangalang si Anial Kumar Sohal noong August 2017 sa Binan kung saan nasa P935,000 ransom money ang ibinayad ng pamilya ng biktima kapalit ng kalayaan nito.

Una rito, nasa P20 million ang ransom demand ng mga kidnapper subalit naibaba ito sa P2 milyon.

Ayon naman kay PNP-AKG Spokesperson, Lt. Col. Rannie Lumactod, batay sa isinagawang follow-up operations ay tatlo pang suspek ang positibong tinukoy ng biktima.

Kasalukuyang nakakulong sa PNP-AKG detention facility ang suspek habang hinihintay ang commitment order mula sa korte.

akg2