-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Napatay ng pulisya at militar na sabay nagsagawa ng search warrant operation ang isa sa dalawang kidnapping at murder suspects matapos magkabarilan sa Brgy. Bangco, Piagapo, Lanao del Sur.

Tumanggi kasing magpahuli ang mga suspek na sina Kadafi Ayonan at Colopoy Ayonan kahit na pinapasuko ng mga otoridad dahil sa kinakaharap na kasong murder at kidnapping sa korte ng Marawi City.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Lanao del Sur Provincial Police Office spokesperson PLt. Col. Delmani Suddling na pinaulanan umano ng bala ni Colopoy ang kanilang tropa kasama ang militar dahil ayaw magpaaresto kaya nagresulta ng ilang minutong bakbakan.

Napuruhan umano si Colopoy kaya dinala ito sa Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City subalit idineklara nang dead on arrival.

Dagdag ni Suddling na bagama’t nakatakas si Kadafi sa kasagsagan ng engkuwentro, inaresto naman ang kanyang anak na si Asnawi dahil tinulungan ang mga suspek para makatakas.

Natuklasan na dating barangay chairman ng Bangco si Kadafi kung saan kabilang ito sa nadiin sa kasong murder at kidnapping na nangyari sa Lanao del Sur ilang taon na ang nakalilipas.

Dagdag ni Suddling na nahaharap na sa kasong obstruction of justice at illegal possession of firearms si Asnawi sa piskalya dahil sa nakumpiskang M-16 rifle at dalawang 9mm pistol mula umano sa kanyang posisyon.