-- Advertisements --

Tiyak na umano ang puwesto ni Kiefer Ravena sa Gilas Pilipinas team na nakatakdang lumahok sa Fiba Basketball World Cup sa China sa buwan ng Agosto.

Inaasahang pupunan ni Ravena ang babakantehing puwesto ni Jayson Castro na hindi makakasali sa national squad dahil sa personal na rason.

“It’s almost a done deal doon sa slot ni Jayson,” wika ni Gilas head coach Yeng Guiao.

Paglalahad pa ni Guiao, si Ravena ang “pinakalohikal na opsyon” bilang kapalit ni Castro.

Una nang sinabi ni Castro na hindi raw ito maglalaro para sa Gilas dahil sa ito na raw ang panahon upang ituon naman niya ang kanyang atensyon sa kanyang pamilya.

Sumabak na sa ensayo ni Ravena sa practice ng Gilas makaraang makakuha ng clearance mula sa FIBA.

Kumpiyansa naman si Guiao na madaling makakahabol si Ravena mula sa ipinataw sa kanya na ban sa paglahok sa mga basketball-related activities ng 18 buwan.

“He is going to be competitive and he is going to be ready for the World Cup,” ani Guiao.