Epektibo na sa katapusan ng Hunyo ang pagbibitiw sa pwesto ni Sen. Kiko Pangilinan bilang presidente ng Liberal Party (LP). Ito ay kung aaprubahan ng kanilang chairperson na si Vice Pres. Leni Robredo.
Nitong umaga nang isumite ni Pangilinan at Quezon City Cong. Kit Belmonte bilang Secretary General ng LP ang kanilang resignation letter kasunod ng pagkakatalo ng mga manok ng oposisyon sa nakaraang halalan sa pagka-senador.
Inaako raw ni Pangilinan ang hindi pagkakalusot sa Magic 12 ng Otso Diretso candidates at iginiit na may pananagutan ito bilang campaign manager ng oposisyon.
Masama rin umano ang loob nito na hindi pa nakahabol ang kapwa mambabatas na si Sen. Bam Aquino na tila napako na sa ika-14 na pwesto.
Nilinaw ng dalawang opisyal na command responsibility lang ang rason ng kanilang pagbibitiw bilang opisyal ng partido Liberal.
“As campaign manager for the Otso Diretso slate, I was unable to ensure our victory in the elections & I assume full responsibility for the outcome and hold myself primarily accountable for this defeat & have tendered my resignation as president of the LP effective June 30, 2019,” ani Pangilinan.
Batay sa nagpapatuloy na canvassing ng Commission on Elections, tiyak na pasok na sa Senado ang apat na ka-partido ng pangulo na sina: Bong Go, Ronald Dela Rosa, Francis Tolentino at Koko Pimentel.
Lusot din ang anim na inidorso ng administrasyon na sina: Pia Cayetano, Sonny Angara, Lito Lapid, Imee Marcos, Cynthia Villar, at Bong Revilla; maging ang dalawang re-electionist na sina Grace Poe at Nancy Binay na parte ng kasalukuyang majority block ng mataas na kapulungan.
Dahil dito, inaasahang 20 senador na ang bubuo sa mayorya pagpasok ng 18th Congress.
Habang matitira sa minority block si Pangilinan kasama sina Sen. Franklin Drilon, Leila De Lima at Risa Hontiveros.