Nagpaabot ng tulong ang dating Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan sa kanyang pamangkin na si Chito Miranda matapos ang pagkakaaresto sa asawa nitong si Neri Naig na kamakailan lang ay sinampahan ng syndicated estafa at iba pang kaso tungkol sa securities violation.
Matatandaan na pinagtanggol ni Miranda ang misis nito tungkol sa mga bumabatikos dito at itinanggi na ginamit lamang ang mukha ng kanyang asawa para makakuha ng mga investors.
‘Narito kami handang tumulong, Chito,’ sabi ni Pangilinan sa kaniyang social media post.
Isa si Pangilinan sa mga sikat na personalidad na nagpakita ng suporta sa band vocalist, Chito Miranda.
Dagdag pa ni Pangilinan na bilang lawyer, ‘Ang product endorser ay isang talent at kung walang koneksyon o kinalaman sa ownership or management at operations nung kumpanya na involved sa iligal na operations ay hindi dapat managot sa nasabing iligal na gawain.’
Tiniyak rin ni Pangilinan na maari umano itong tumestigo tungkol sa kabutihan ni Naig na biktima lang umano ng mga manloloko.
‘Ang dapat habulin dito ay ang may ari at nagpapatakbo ng kumpanya, at dagdag pa, dahil walang natanggap na anumang mga notice sina Chito at Neri sa kaso, kwestyonable ang ligalidad ng warrant of arrest na dapat kwestyunin sa Hukuman,’ saad ni Pangilinan.
Samantala, batay sa imbestigasyon ng Securities and Exchange Commission (SEC) nangako umano ang naturang skin care company na pinamumunuan ni Naig ng return of investment na aabot sa 12.6% na interes kada apat na buwan sa loob ng limang taon.
Sa ngayon ay nakapagpiyansa na si Naig sa iba pa nitong kaso sa securities violation habang nakabinbin pa ang isa nitong kaso na syndicated estafa na isang non-bailable offense.