Pumanaw na ang Australian model na si Lucy Markovic sa edad na 27.
Ayon sa kaniyang agency na Elite Model Management, na dahil sa kakaibang brain condition ang naging sanhi ng kaniyang kamatayan.
Nakilala si Markovic ng sumali ito sa “Australia’s Next Top Model” kung saan nagtapos itong runner up matapos matalo kay Britanny Beattie noong 2015.
Tatlong linggo bago ang kaniyang kamatayan ay ibinahagi niya sa kaniyang social media account na ito ay sasailalim sa operasyon para sa brain arteriovenous malformation (AVM).
Ang AVM ay isang uri ng pagkakabuhol ng blood vessels na magreresulta sa brain damage at stroke.
Isinalarawan pa nito ang nasabing malformation na sing-laki ng bola ng golf kung saan nakakaranas ito ng seizures.
Bumuhos naman ang pakikiramay at pagdadalamhati mula sa malapit na kaibigan at mga kapwa model nito.