-- Advertisements --

Hindi nakikita ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago ang pangangailangan na imbestigahan ang kill remarks sa ilang Senador ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya, ang mga sinabi ng dating Pangulo sa election campaign ay pawang “political propaganda at rhetoric” lamang.

Ikinatwiran din ng NBI chief na ang mga statement ng dating Pangulo ay dapat na maunawaan sa konteksto ng political discourse.

Inihayag din ni Dir. Santiago na ginawa na rin ng dating Pangulo ang parehong mga remark noong kaniyang termino.

Saad ng opisyal na sa nakalipas na administrasyon nang nasa kapangyarihan pa si Duterte, may palaging statements ito tulad ng “If you corrupt the youth, I will kill you”. Ang mga ganitong salita aniya ng dating Pangulo ay malawakang tinanggap ng publiko.

Subalit inamin din ng NBI chief na ngayong nagbago na ang panahon, posibleng ang mga ganitong uri ng remarks na puno ng karahasan ay hindi na katanggap-tanggap at kailangan na ngayon ng kapayapaan.

Ginawa ng opisyal ang pahayag sa gitna ng mga panawagan sa NBI na magkasa ng imbestigasyon gaya ng ginawa nito sa naging remarks ni VP Sara na mayroon na siyang kinausap na pumatay sa first couple at kay House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay patayin.

Subalit sinabi ng NBI chief na dapat ang mga Senador ang maghain ng complaint kung sa palagay nila ay pinagbanbantaan sila.