Hiniling ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang naging pahayag kamakailan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte tungkol sa pagpatay ng 15 senador para maka-upo ang kanilang mga kandidato.
Ayon kay Adiong, kung naglunsad ng imbestigasyon ang NBI sa umano’y pagbabanta ni Vice President Sara Duterte laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin Romualdez, nararapat lamang na suriin din ang mga pahayag ng dating pangulo.
Sa isang pagtitipon sa San Juan City, nagsalita si Duterte tungkol sa nalalapit na halalan at sa kasalukuyang komposisyon ng Senado.
Sa kanyang talumpati, nagmungkahi siya ng isang radikal na paraan upang matiyak na mananalo ang kanyang mga kaalyadong kandidato.
Ang kaniyang pahayag ay sinalubong ng malakas na hiyawan mula sa kaniyang mga taga-suporta, na sabay-sabay ding sumigaw ng, “Kill! Kill! Kill!”
Binigyang-diin ni Adiong na hindi dapat balewalain ang mga ganitong pahayag, lalo na’t may mga pagkakataong isinagawa ng mga tagasuporta ni Duterte ang kanyang mga sinabi.
Binanggit niya na kahit maaaring igiit ni Duterte na biro lamang ang kanyang mga sinabi, “pero hindi niya puwedeng itago sa joke ang pagbabanta sa mga senador.”
Dahil dito, hinimok niya ang NBI na suriin kung ang mga ganitong pahayag, lalo na ang mga tumutukoy sa karahasan, ay sakop ng umiiral na mga batas.