-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Agad na inilibing ang kilo-kilong karne ng baboy na nakumpiska ng joint monitoring & inspection team ng LGU at NMIS Region 12 sa bayan ng Polomolok, South Cotabato.

Ito ay matapos makumpirma na “unfit for human consumption” ang mga ito.

Ayon kay NMIS 12 Regional Director Mryna Habacon, ito ay may kaugnayan sa nagpapatuloy na inspection na kanilang isinasagawa sa mga public market, meat shop at mga lechon houses sa buong rehiyon dahil pa rin sa naitalang kaso ng African swine fever (ASF) sa lungsod ng Koronadal kamakailan.

Iginiit ni Habacon na kailangang sundin ng mga meat vendors ang nakasaad sa RA 9296 na nag-uutos sa mga nagbebenta ng karne na sumailalim sa ante mortem at post mortem inspection lalo na ang mga slaughterhouses.

Layunin din nito na masiguro na ligtas ang mga karne ng baboy na ibinebenta sa mga palengke at iba pang lugar.