Nakahanda na ang ilang grupo ng mga relihiyoso sa ikakasang kilos protesta ngayong Biyernes upang patalsikin ang ikalawang pangulo ng bansa na si Vice President Sara Duterte.
Binubuo ito ng koalisyon ng mga Clergy and Citizens for Good Governance na inaasahang dadaluhan ng mga grupo mula sa iba’t ibang mga relihiyon kasama ang ilan pang mga organizations at sectoral groups.
Kung saan, ibinahagi ni Fr. Robert Reyes convenor ng Clergy for Good Governance, ang naturang rally ay isasagawa sa Archdiocesan Shrine of Mary, Queen of Peace o mas kilala bilang EDSA Shrine sa bahagi ng Ortigas Avenue, lungsod ng Quezon.
Paliwanag niya, ang paglulunsad ng kilos protesta ay upang ipanawagan sa kongreso na gawin nito ang mandato ng konstitusyon sa pag-impeach ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno na sangkot sa isyu ng korapsyon.
‘Nakakatuwa at nabubuo ng mga grupo na nag-uusap-usap ay ito po ang paninindigan, ang mga ginawa ng nakaraang administrasyon ay hindi kakalimutan, ang mga ginagawa ng kasalukuyang administrayon, hindi kakalimutan at lalaban pa,’ ani Fr. Robert Reyes ng Clergy for Good Governance.
Ngunit nilinaw naman ni Bishop Efrain Tendero ng World Evangelical Alliance na ang kanilang isasagawang rally ay hindi lamang nakasentro sa pagpapatalsik sa ikalawang pangulo, ngunit pati na rin ang mga isyung kinakaharap ng pamahalan.
Giit niya, sila’y non-partisan at walang sinusuportahang panig sa kanilang kilos protesta sa darating na Biyernes.
Sa naging press conference ngayong araw, nabanggit na inaasahang nasa 5,000 hanggang 10,000 ang tinatayang makikilahok sa naturang pagtitipon.