-- Advertisements --

Muling nauwi sa karahasan ang isinagawang mga kilos-protesta sa France laban sa kontrobersyal na panukalang security law.

Una rito, libu-libong katao, kabilang na ang mga kasapi ng Yellow Vest movement, ang mapayapang nagmartsa sa kabisera nang magsimulang batuhin ng ilang grupo ng mga ralyista, na nakasuot ng itim at nakatago ang mukha, ang mga riot police.

Pinagbabasag din umano ng mga ito ang mga bintana ng isang supermarket, property agency, at bangko, at sinunog ang ilang mga sasakyan.

Bilang tugon, nagpaulan ang mga pulis ng tear gas sa naturang grupo.

Ayon kay Interior Minister Gerald Darmanin, nasa 22 katao na ang dinampot dahil sa mga insidente.

Ikinagagalit ng mga demonstrador ang laman ng nasabing panukala ang pagbabawal sa sinuman na kunan ng video o larawan ang mga on-duty na police officers.

Ang mga lalabag umano ay mahaharap ng hanggang sa isang taong pagkakabilanggo at may multang $53,840.

Sinabi naman ng kampo ni President Emmanuel Macron nitong nakalipas na linggo na aamyendahan ang ilang bahagi ng naturang batas.

Nitong Biyernes nang aminin din ni Macron na may ilang mga pulis umano ang bayolente, na kinakailangang maparusahan. (BBC)