DAGUPAN CITY – Wala umanong Pinoy sa Hong Kong ang nakikilahok sa kilos protesta laban sa extradition bill.
Sa report sa Bombo Radyo Dagupan ni Bombo International Correspondent Imelda de Guzman na taga-Mangaldan, Pangasinan at overseas Filipino worker (OFW) sa Tin Hau City sa Hongkong, pawang mga mamamayan ng China at residente sa Hongkong ang sumasama sa kilos protesta.
Ayon dito, hinimok sila ng kanilang mga kapwa OFW na iwasang sumali sa protesta.
Pinayuhan silang magsuot lang daw ng kulay asul o pink na kasuutan dahil kapag nagsuot ng kulay puti at yellow ang ibig sabihin nito ay rebelyon samantalang ang kulay asul ay nangangahulugan ng kapayapaan.
Pinipigilan ang mga Pilipino na iwasang magsuot ng kulay puti at yellow dahil pipigilan sila at kukuwestyunin lalo na kapag sila ay napunta sa Central Wanchai admiralty-open area.
Kapag naipasa ang extradition bill, lahat umano ng nagkasala sa Hong Kong kung saan kasama pati mga OFW ay sa China isasagawa ang pag-uusig sa kanilang kaso at parusang kamatayan ang kaagad umanong katumbas ng kanilang pagkakasala.