Wala pa ring humpay ang malawakang kilos-protesta na nagaganap sa Hong Kong sa kabila nang pagpapalit ng bagong dekada.
Libo-libong demonstrador ang muling nagsama-sama sa kalsada ng lungsod. Nagsimula silang mag-martsa mula Causeway Bay habang hawak ang pulang bandila na may katagang “Hong Kong Independence.”
Sa huling tala, umabot na sa halos 1,000 ang ginawang kilos-protesta sa naturang lungsod simula noong Hunyo na dinaluhan ng nasa 2 milyong katao.
Nagsimula ang kaguluhan sa Hong Kong dahil sa extradition bill kung saan maaaring ipadala ang mga kriminal sa mainland China at doon litisin. Di-kalaunan ay tuluyan na itong ibinasura ni Hong Kong leader Carrie Lam.
Ngunit hindi pa rito natatapos ang kagustuhan ng mamamayan. Nais din nilang magsagawa ng imbestigasyon ang pamahalaan hinggil sa mga alegasyon na bumabalot sa Hong Kong authorities dahil na rin sa di-umano’y paggamit nila ng karahasan upang hulihin ang mmga raliyista.
Nasa 6,000 ang inaresto nang magsimula ang kilos-protesta habang nasa 2,600 katao naman ang dinala sa ospital dahil sa mga sugat na natamo mula sa pamamalo at pambabato ng tear gas ng mga otoridad.