Binigyang-diin muli ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng kilos protesta sa labas ng U.P. Campus sa Quezon City, partikular sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Sa press conference ni PNP Chief sa Kampo Crame, sinabi ni Gamboa na hindi nagbigay ng permit ang mga Local Government Units (LGU) sa mga cause-oriented groups para magsagawa ng kilos protesta.
Mahigpit din ang bilin ni Gamboa sa mga pulis na ipatupad ang maximum tolerance laban sa mga raliyista.
Aniya, kapag hindi susunod ang mga ito sa ipinapatupad na security protocol, mananagot ang mga ito sa batas.
” So kung wala kayong LGU permit then necessarily ano ang restriction. The IATF says gatherings will not only be more than 10. so of course hindi natin ito makita kaya nga ang suggestion ng NCRPO walang problema kung paisa-isa kayo but once you conglomerate and you number to 10 no more questions asked we will arrest you,” wika ni Gamboa.
Nilinaw din ng PNP na hindi nila gagamitin laban sa mga rallyista ang usapin ng anti-terrorism sa pagbabantay sa SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Mensahe ni Gamboa sa mga Pulis na marami ang nakatutok at nagbabantay sa kanilang mga aksiyon kaya maging maingat ang mga ito sa kanilang mga hakbang lalo na at maiinit ang usapin hinggil sa Anti-Terror Law.
Nilinaw ni Gamboa, iginagalang ng PNP ang karapatan ng mga mamamayan para magsagawa ng mga mapayapang pagtitipon , pero dahil sa umiiral na national health emergency dahil sa Covid -19 , ang mga batas na may kinalaman sa health protocols ay strikto nilang ipatutupad.