Hindi pa rin nagpapapigil ang mga nagsasagawa ng kilos-protesta sa Estados Unidos dahil sa pagkamatay ng African Amerikan na si George Floyd.
Libo-libong mamamayan ng New York City ang nagtipon-tipon sa mga kalsada para magprotesta sa di-umano’y ginagawang pang-aabuso ng mga pulis. Kahit lumipas na ang halos dalawang oras matapos ang 8 p.m. curfew ay nagpatuloy pa rin ang mga ito na mag-martsa sa Manhattan at Brooklyn.
May ilang volunteers naman sa Manhattan ang namigay ng pagkain, first aid kits at tubig para sa mga raliyista. Nagsama-sama ang mga ito sa Foley Square kung saan matatagpuan ang mga federal court buildings, at Washington Park sa Greenwich Village.
Tinanggal naman ng mga otoridad ang harang na nakalagay sa ilang kalsada ngunit nananatiling sarado para sa lahay ang Times Square para hindi magdulot ng trapiko.
Una nang nanawagan ang ilang pulitiko at civil liberties advocates para tuldukan na ang 8 p.m. curfew ngunit nanindigan si Mayor Bill de Blasio na mananatili ang curfew.