-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Hinikayat ng Philippine Army ang publiko na tuluyan nang itakwil ang kilusang insurhensiya na umano’y walang ibang naidudulot maliban sa karagdagang paghihirap ng bansa dahil tinangka nila pabagsakin ang demokrasya.

Ginawa ni Philippine Army spokesperson Col. Louie Dema-ala ang pahayag kasunod nang pagka-neutralized ng mataas na opisyal ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA) na tumatayong kalihim ng North Eastern Mindanao Regional Committee na nakabase sa Caraga region na si Myrna Sularte alyas Maria Malaya sa Sitio Imelda,Brgy Pianing,Butuan City.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Dema-ala na kaunti na lang ang tinatrabaho ng gobyerno at tuluyan ng mabuwag ang kilusan kung saan wala ng kumikilos na anumang girilya ng CPP-NPA sa nabanggit na rehiyon.

Inihayag ng opisyal na ang pagtigil ng mga mamamayan na tangkilikin ang mga panlilinlang ng kilusan ay malaking tulong para hihina pa ng husto ang mga ito at matulad ng ibang rebeldeng grupo ng ilang mga bansa na tinalikuran ng mga taong sumusuporta sa kanila.

Magugunitang kabilang sa mga binuhusan ng sapat na puwersa ng Sandahang Lakas ng Pilipinas ay ang Caraga region kung saan nakabase si Maria Malaya na napuruhan ng tugisin ng 901st Infantry Batallion troopers sa mabundok na bahagi ng Butuan City kahapon ng hapon.

Si Maria Malaya ay ang maybahay ng yumao na rin na si dating NPA national operations command commander Jorge Madlos alyas Ka Oris sa isang engkuwentro sa bahagi ng Impasug-ong,B ukidnon noong 30 ng Oktobre 2021.