-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Patuloy ang panawagan ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa pamahalaan na lumikha ng konkretong solusyon sa pagharap sa mga hamon sa sektor ng agrikultura kasabay ng pagtukoy ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. sa El Niño, mabilis na paggalaw ng presyo, at pagnipis ng supply ng pagkain bilang pangunahing hamon sa sektor ng pagsasaka sa susunod na taon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Ronnie Manalo, Secretary General ng nasabing organisasyon, sinabi nito na ang mga hamon at krisis na ito na kinakaharap ng mga magsasaka ay isa sa mga matagal na nilang panawagan na matugunan sa pamamagitan ng pagmungkahi sa pagsuspinde ng Rice Liberalization Law.

Aniya na ito ay isang batas na nagtatali sa bansa na laging umasa sa importasyon na siya namang lumulumpo sa kalagayan ng sektor ng pagsasaka sa bansa.

Saad ni Manalo na mainam na masuspinde ang umiiral na batas na ito upang maibalik sa National Food Authority ang kapangyarihan na direktang makapamili ng palay mula sa mga magsasaka at makapag-imbak ng bigas nang sa gayon ay hindi na kakailanganin pa ng bansa na umasa sa pag-aangkat sa panahon na manipis ang suplay ng produkto at hindi na tumaas pa ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Maliban dito ay patuloy din silang naghihintay kung may kakayahan ang Kalihim ng Pagsasaka na tuparin ang kanyang mga pangako at napagaralan ng tanggapan para sa pagtugon sa iba’t ibang hamon sa sektor ng agrikultura sa kabila ng pagpapalawig ng ahensya na mas babaan pa ang taripa para sa importasyon hanggang sa katapusan ng susunod na taon.

Gayunpaman, nakikita naman nila na wala itong naitulong sa pagpapababa ng presyo ng mga produktong agrikultural at sa halip ay nagtuloy-tuloy ang pagsirit ng presyo ng mga ito sa mga pamilihan.

Kaugnay nito ay nananawagan sila na sa halip sana na tumuon ang ahensya sa usaping ito ay mas bigyan nila ng pansin ang pagtulong sa lokal na produksyon at kapakinabangan ng mga magsasaka ng bansa.