Isa lamang daan ang Charter Change upang mas lalong lumubog ang mga lokal na magsasaka sa bansa.
Ito ang naging rason ni Ronnie Manalo, Secretary General ng Kilusang Magbubukid Ng Pilipinas kung bakit tutol ang kanilang samahan sa pagsulong ng Cha-Cha sa senado.
Aniya, hindi na ito bagong usapin, dahil matatandaan na nauna na rin itong binuksan noong panahon pa ni Dating Pangulong Fidel Ramos kung saan ay layunin ng nasabing batas na baguhin at bigyang mas malaking oportunidad ang economic provision sa bansa, ngunit ayon kay Manalo, hindi ito naisakatuparan dahil marami ang tutol sa pagpapasa nito.
Isinalarawan naman ni Manalo ang pagpapasa sa Cha-Cha bilang isang pintuan, na kung binuksan ay hindi lamang ang layunin nito ang maipasasakamay sa mga dayuhan, kundi pati na rin ang iba pang mga lupang dati nang nasa kamay ng mga lokal na magsasaka. Gaya na lamang ng mga lupaing sinasakahan mga ito na nawawala na rin dahil ginagawa itong warehouse, subidivision, at iba pa.
Samantala, imbis na tutukan ng kongreso ang naturang usapin ay mas makabubuti aniya kung bigyang pansin na lamang ang pangangailanag ng mga magsasaka sa bansa na siyang dapat prayoridad para sa pag-angat ng ekonomiya.
Kaugnay nito, ayon pa kay Manalo, hindi batas ang problema sa bansa kundi ang mga kakulangan sa programang may layuning mapalago at matulungan pa ang lokal na produksyon.