BUTUAN CITY – Mariing kinondena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP ang pagbansag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC, sa kanilang grupo na front organization ng communist terrorist group o CTG.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni KMP chairman Danilo Ramos na malisyuso, peligruso at walang basehan ang pronouncement ng task force sa isinagawa nilang national executive meeting.
Ayon kay Ramos, sa pagre-red tag umano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasama ng militar, ay kakambal na rito ang extra judicial killings, gawa-gawang mga akusasyon, pandurukot at iba pa, kungsaan napatunayan na umano ito sa iilang mga naitalang kaso ng mga biktima ng red tagging.
Dagdag pa ni Ramos, ito ang dahilan na kanilang sinuportahan ang panawagang buwagin na ang task force at amyendahan ang Anti-Terrorist Act of 2020.
Buo ang paniniwala ni Ramos na ang pag-red tag sa kanila ay dahil sa pagka-aktibo nilang batikusin ang hindi magagandang mga kaganapan ngayon sa bansa.