-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — “Marcos Wealth Fund.”

Ganito isinalarawan ni Jerome Adonis, ang siyang naninilbihan bilang Secretary General ng Kilusang Mayo Uno, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan ang Maharlika Wealth Fund.

Aniya na ang isinagawa nilang kilos protesta kaugnay sa napaka-kontrobersyal na proyekto ay upang mapayapa silang makapagpahayag ng kanilang saloobin patungkol sa usapin partikular na ang layunin ng House Bill 6398 o ang Maharlika Investment Fund na palakihin ang nakukuhang mga benepisyo ng mga Government Service Insurance System (GSIS) at Social Security System (SSS) members at panatilihing buhay ang social security na naglalagay naman sa mga pensiyonadong mamamayan at manggagawang Pilipino sa peligro.

Binigyang-diin pa ni Adonis na mahigpit nilang tinututulan ang Maharlika Wealth Fund sapagkat mataas ang tyansa na malugi ang mga investment funds ngayon lalo na’t umiiral pa rin ang mga krisis na nararanasan sa bansa partikular na nga ang lumalala pang inflation rate.

Bagamat mayroon umanong tinatawag ang Kamara na “sovereign guarantee” kung hindi man magiging matagumpay ang layunin ng Maharlika Wealth Fund, saad naman ni Adonis na “para nila kaming ginisa sa sarili naming mantika” dahil ang ibabalik nilang pera ay galing din lamang sa bulsa at buwis ng taumbayan.

Maliban pa rito ay isinalarawan din ni Adonis ang Maharlika Wealth Fund bilang “napakadelikado” dahil umano sa mga lupon na bumubuo sa naturang proyekto, kung saan ang nakaupong Chairman ay si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na nasasangkot naman sa “ill-gotten wealth” ng kanyang pamilya.

Saad pa ni Adonis na hindi rin umano saklaw ng standardization law ang bumubuo sa board kaya naman may duda rin ang kanilang hanay na gagamitin lamang nga mga kabilang rito ang Maharlika Wealth Fund para sa sarili nilang interes, gaya na lamang ng pagkuha ng mas mataas na mga perks o benepisyo at allowances na ilalaan naman nila sa mga pagpupulong at iba pa nilang mga aktibidad na ngayon ay nangyayari na sa GSIS at SSS.

Sa kabila naman ng pagatras at pagbawi ni House Committee on Appropriations Vice-Chairperson and Marikina Representative Stella Quimbo sa inisyal na plano sa paggamit ng pondo ng GSIS at SSS, ipinagaalala pa rin ng Kilusang Mayo Uno ang paggamit ng Maharlika Wealth Fund sa mga pondo ng Landbank of the Philippines, Development Bank of the Philippines (DBP), mula sa 2023 National Budget, at dibidendo mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), sapagkat pera pa rin umano ng taumbayan ang nakasalalay dito.

Aniya na dapat ang mga perang ito ay inilalaan para sa ikabubuti at ikauunlad ng mga mamamayang Pilipino dahil galing naman ito sa kanilang mga bulsa at hindi para sa proyektong walang kasiguraduhan kung uusbong.

Kaugnay nito ay iginiit pa niya na walang magandang maidudulot at magiging isang malaking problema lang na naman sa naghihikahos nang ekonomiya ng Pilipinas kapag malulugi ang Maharlika Wealth Fund.