-- Advertisements --

Iginiit ng ilang mga opisyal ng South Korea na hindi umano totoo ang balitang pumanaw na ang kontrobersyal na pinuno ng North Korea na si Kim Jong-un.

Ayon kay Moon Chung-in, top security adviser ni South Korean president Moon Jae-in, buhay pa raw si Kim na katunayan ay nananatili ngayon sa siyudad ng Wonsan sa North Korea.

Ganito rin ang inihayag ni South Korean Unification Minister Kim Yeon-chul kung saan sinabi nito na kumpiyansa sila sa kanilang nakalap na intelligence na wala silang na-monitor na anumang kahina-hinalang galaw mula sa kampo ni Kim.

Nanawagan naman ang mga opisyal na dapat umanong maging maingat sa paglalabas ng mga impormasyon ukol sa kalusugan ni Kim.

Matatandaang nagsimulang lumabas ang mga haka-haka ukol sa totoong lagay ng kalusugan ng North Korean leader matapos na hindi ito magpakita sa isang mahalagang holiday noong Abril 15.

Kalaunan ay lumabas ang ulat na posibleng sumailalim daw si Kim sa isang cardiovascular surgery, o kaya naman ay naka-isolate upang hindi ma-expose sa coronavirus.