Binigyang diin ni US President Donald Trump ang kanyang personal na suporta para kay North Korean leader Kim Jong Un.
Ito’y kahit na aminado si Trump na posibleng may labaging UN resolution ang isinagawang missile tests ang Pyongyang nitong mga nakalipas na araw.
“There may be a United Nations violation, but Chairman Kim does not want to disappoint me with a violation of trust, there is far too much for North Korea to gain,” saad ni Trump sa serye ng mga tweets.
“Chairman Kim has a great and beautiful vision for his country, and only the United States, with me as President, can make that vision come true,” dagdag ni Trump.
Pinagbabawalan kasi ang North Korea na magsagawa ng ballistic missile tests, sang-ayon sa mga resolusyon sa UN.
Kinondena na din ng European bloc ng UN Security Council ang napaulat na pag-test ng Pyongyang ng short-range missiles.
Pero ayon kay Trump, “standard” lamang daw ang naturang mga test.
Sinabi pa ni Trump na sapat na raw ang kanyang personal na pakikipag-ugnayan kay Kim upang ihinto nito ang kanilang pagsusulong sa mga nuclear weapons.
“He will do the right thing because he is far too smart not to, and he does not want to disappoint his friend, President Trump!” anang US president. (AFP)