Hindi umano naniniwala ang US intelligence community na handa na umanong mag-denuclearize si North Korean leader Kim Jong Un.
Matatandaan na nitong Pebrero nang mabigo sina Kim at US President Donald trump na magkaroon ng kasunduan tungkol sa tuluyang pag-abandona ng Pyongyang sa paggamit ng nuclear weapons.
“We still continue to assess within the IC (intelligence community) that Kim Jong Un is not ready to denuclearize,” wika ni US Defense Intelligence Agency Director, Lt. Gen. Robert Ashley sa isang panayam.
Sa darating na weekend ay bibisita si Trump sa South Korea matapos ang palitan nila ng liham ni Kim.
Umaasa naman ang mga observers at mga experts na magkakaroon ulit ng summit ang dalawang kontrobersyal na lider na naglalayong tuldukan na ang nuclear program ng North Korea.
Una nang iginiit ng Washington na dapat nang talikuran ng North Korea ang kanilang nuclear weapons para bawiin na ang ipinataw sa kanilang sanctions.
Habang ang hirit naman ng Pyongyan ay isang step-by-step approach.
Sa dalawang araw na pagdalaw ni Trump sa Seoul, kasama sa aktibidad ni Trump ay ang pakikipagpulong ito kay President Moon Jae-in. (Al Jazeera)