-- Advertisements --
image 438

Nag-inspeksyon ang pinuno ng North Korea na si Kim Jong Un sa mga nuclear-capable bombers ng Russia, hypersonic missiles at isang advanced na barkong pandigma mula sa Pacific fleet nito noong Sabado habang nagpatuloy siya sa paglalakbay sa Russia’s Far East na nagdulot naman ng mga alalahanin sa Kanluran hinggil sa isang alyansa ng armas na maaaring makadagdag pa sa digmaan ni Pangulong Vladimir Putin sa Ukraine.

Pagkarating naman sa lungsod ng Artyom sakay ng tren, naglakbay si Kim sa isang paliparan sa labas lamang ng port city ng Vladivostok kung saan binigyan siya ng malapitang pagsuri ni Russian Defense Minister Sergei Shoigu at ng iba pang matataas na opisyal ng militar sa mga strategic bombers ng Russia at iba pang mga eroplanong pandigma.

Ang lahat ng mga eroplanong pandigma ng Russia na ipinakita kay Kim noong Sabado ay kabilang sa mga uri na nakitang aktibong ginamit sa digmaan sa Ukraine, kabilang ang mga Tu-160, Tu-95 at Tu-22 bombers na regular na naglunsad ng mga cruise missiles.

Ang mga pagbisita ni Kim sa military at technology sites sa linggong ito ay posibleng nagpapahiwatig kung ano ang gusto niya mula sa Russia, marahil kapalit ng pagbibigay ng mga bala upang mapunan muli ang mga bumababang reserba ni Putin habang patuloy ang mas tumatagal na pagsalakay nito sa Ukraine.