-- Advertisements --

HANOI, Vietnam – Naghandog ng papuri si North Korean leader Kim Jong-un sa dating revolutionary leader ng Vietnam na si Ho Chi Minh sa kanyang huling araw sa nasabing bansa bago ito bumiyahe pabalik sa Pyongyang.

Maaalalang nagtungo sa Vietnam si Kim dahil sa ikalawa nilang summit ni US President Donald Trump, na natapos na walang nabuong nuclear deal.

Sa nasabing seremonya, inayos muna ni Kim ang mga ribbon sa malaking wreath kung saan nakalagay ang kanyang pangalan at ang mensaheng “Cherishing the memory of President Ho Chi Minh” bago tumungo ng nasa 48 segundo.

Itinuturing ng mga observers na ito ay isang pambihirang pagkakataon sapagkat sinasabing hindi pa ito kailanman ginawa ni Kim sa isang banyagang pinuno.

Kadalasan kasi ay nagbibigay-pugay si Kim sa kanyang mga ninuno, sa ama nitong si Kim Jong-il at lolong si Kim Il-sung sa tuwing anibersaryo ng North Korea.

Sa kasalukuyan ay naglalakbay na ang olive green armored train ni Kim pabalik ng North Korea, na inaasahang tatagal ng mahigit dalawang araw.