VLADIVOSTOK, Russia – Dumating na sa lungsod ng Vladivostok, Russia si North Korean leader Kim Jong-un para sa nakatakda nilang summit ni President Vladimit Putin sa araw ng Huwebes, Abril 25.
Nitong Miyerkules ng hapon nang mamataan si Kim na lumabas sa kanyang berdeng private train sa isang istasyon sa nasabing siyudad.
Suot ang itim na homburg at overcoat, sinalubong si Kim ng mga opisyal at ng isang banda.
Umalis sa Pyongyang si Kim nitong Miyerkules ng madaling araw at naglakbay gamit ang tren, gaya nang giawa nito noong Hanoi, Vietnam summit kay US President Donald Trump noong Pebrero.
Batay sa official website ng Russian region ng Primorsky, masaya raw ito na makarating sa nasabing bansa.
“I came to Russia with the warm feeling of our people,” wika ni Kim. “I hope that this visit will be successful and useful, and that during the negotiations with esteemed President Putin, I will be able to specifically discuss issues of resolving the situation on the Korean Peninsula and developing our bilateral relations.”
Sesentro umano ang kauna-unahang pulong ng dalawang kontrobersyal na lider sa nuclear program ng Pyongyang.
Ang pagdalaw na ito ay parte raw ng pagsusumikap ni Kim na mangalap ng suporta matapos hindi maging matagumpay ang pakikipagpulong nito kay US President Donald Trump sa Vietnam noong Pebrero. (CNN)