Nagbigay komento na si North Korean leader Kim Jong-Un matapos ang pagpapakawalang muli ng North Korea sa dalawang missiles.
Pinasabog ang naturang short-range missiles sa Silangang bahagi ng Wonsan kahapon na nagsilbi umanong simbolo ng mariing pagtutol ng North Korea sa isasagawang military exercise ng South Korea at Estados Unidos sa susunod na buwan.
Ayon kay Kim, napilitian umano ang kanilang bansa na bumuo ng mga panibagong armas dahil na rin sa patuloy nitong natatanggap na pananakot mula sa ibang bansa.
Kasama na raw dito ang pinakabagong tactical guided weapons system.
Aniya, “satisfied” daw siya sa mga bagong na-develop na armas ng kaniyang mga tauhan at sigurado raw ito na hindi magiging madali para sa kanilang kalaban na bumuo ng depensa laban dito.
Nagbabala pa ito sa South Korea na huwag balewalain ang kanilang babala.
Una nang hinikayat ng South Korea ang Pyongyang na itigil na ang kanilang ginagawang pagpapasabog ng missiles dahil hindi raw ito nakakatulong upang maibsan ang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.