TUGUEGARAO CITY-Patuloy na tinutunton ng mga rescuers ang lokasyon ng cellphone cignal ng isa sa mga pasahero na posibleng makapagtuturo sa kinaroroonan ng nawawalang Cessna plane at sa anim na pasahero na sakay nito kabilang na ang piloto.
Ayon kay Engr. Exiquiel Chaves, head ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Council ng Divilacan, Isabela na sinusundan ngayon ng mga rescuers ang available data ng cellphone cignal sa bulubunduking bahagi ng Sierra Madre na sakop ng 20-KM radius ng isang cell site sa Maconacon na natukoy na lokasyon ng numero ng isa sa mga pasahero nang subukan itong tawagan.
Matapos kasing marating ng mga rescuers ang site Alpha sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Dicaruyan, Divilacan ay wala pa rin silang makitang bakas ng anumang bahagi ng eroplano subalit aminado ang mga ito na napakalawak pa ng lugar na kanilang gagalugarin.
Ang Site Alpha ang sinasabing lugar kung saan nakita ng ilang magsasaka ang isang eroplano na nagpaikot-ikot bago ito nawala.
Sa ngayon ay puspusan pa rin ang ginagawa nilang paghahanap at paggalugad sa iba pang mga lugar maliban sa Alpha site kung saan sinabi ni Chavez na gagalugarin din nila ang site echo na nasa kanlurang bahagi ng Sierra Madre.