CAGAYAN DE ORO CITY – Sinimulan na ng National Bureau of Investigation (NBI) at ibang law enforcement units ang pagtunton sa lokasyon na pinagtataguan ng Kabus Padatoon (KAPA) Community Ministry International Incorporated founder na si Joel Apolinario.
Ito ay kahit wala pang inilabas na warrant of arrest ang korte sa kinaharap na kaso na unang inihain ng Security and Exchange Commission (SEC) laban kay Apolinario at ibang kasamahan nito sa grupong KAPA.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni NBI Regional Director Atty Patricio Bernales na mayroong kautusan ng kanilang top officials na ilikom ang lahat ng mga dokumento na magagamit pagpapalakas pa ng mga kaso na kakaharapin sa grupo ni Apolinario.
Inihayag ni Bernales na mayroon din sila kasalukuyang tinatrabaho bagamat tumanggi muna ito na ihayag upang hindi masunog ang kanilang mga hakbang.
Magugunitang naisumite na ng NBI ang lahat ng mga ebidensiya na nakompiska nila nang nilusob ang dalawang tanggapan ng KAPA sa bayan ng Opol, Misamis Oriental at Valencia City, Bukidnon na sinaksihan mismo ni SEC Regional Director Atty. Reynato Egypto.