BAGUIO CITY – Aabot na sa 45% ng Kincade Fire sa California ang nasugpo ng mga bumbero at mga fire volunteers kung saan kumalat na ito ng aabot sa 76,825 ektarya.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay international correspondent Winston Sario na nakatira ngayon sa Napa County, sinabi niya na apektado din ang kanilang county sa Kincade Fire ng Sonoma County kung saan 20 kilometro ang layo ng tahanan nila mula sa pinakasentro ng wildfire.
Aniya, may trauma pa rin ang mga taga-Napa County sa nangyaring wildfire doon noong October 2017 na tumupok sa 162,000 ektarya kasama na ang mga wineries sa Napa at Sonoma at nagresulta din sa pagkasawi ng 41 katao at pagkasunog ng higit 5,000 tahanan.
Naaalarma din sila dahil sa posibilidad na magkaroon sila ng sakit sa baga dahil sa kapal ng kulay pulang usok na dulot ng Kincade Fire kung saan sinabi niya na masama ang kalidad ng hangin doon.
Ipinagbabawal aniya ng ilang magulang ang pagpasok ng kanilang mga anak sa paaralan ng mga ito dahil sa kalidad ng hangin kung saan katumbas nito ang parang paninigarilyo ng mga bata ng dalawang stick ng sigarilyo.
Dinagdag pa nito na kakailanganin na ring magpatupad ng black-out sa Napa City dahil malapit na sa kanila ang sunog na magdadulot ng makaling epekto sa mga residente.
Aniya, naging malaking problema sa California ang wildfire kung saan nasama na din ito sa kanilang mga season.
Napag-alaman kay Sario na aabot sa 150 ang bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakatira sa kabuuan ng Napa County at sa ngayon ay nasa ligtas pa ring kalagayan.
Nananatili naman ang state of emergency na idinekla sa Sonoma County kung saan sinabi Department of Forestry and Fire Protection ng California na sa November 7 pa inaasahang tuluyang masugpo ang Kincade Fire.
Sa huling tala ng departamento, 266 na mga istruktura ang nasunog habang apat na fire responders ang nasugatan.
Gayunman, pahirapan pa rin ang pagsugpo sa northern part ng sunog dahil sa matarik na terrain at makikitid na daan.