-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Tanging labi na lamang ng mga buto ng isang batang babae ang naabutan ng mga kamag-anak matapos tinupok ang kanilang bahay sa nangyaring malaking sunog sa Purok Islam, Barangay Dadiangas South sa lungsod.

Kinilala ang biktima na si Baynor Putian, isang Kinder 2 pupil na nakatira sa lugar.

Ayon kay Sarah Sua, naiwang mag-isa ang pamangkin sa loob ng kanilang boarding house habang natutulog nang mangyari ang sunog sa palibot ng moske.

Inihayag pa nito, maagang umaalis ng kanilang bahay ang ama ng biktima dahil ito ay nagtatrabaho sa palengke.

Habang nagtatrabaho naman sa ibang bansa ang ina ng bata.

Nabatid na ang sunog ay sumiklab dakong alas-5:00 ng madaling araw na tumupok sa tinatayang 60 mga bahay na gawa sa mga light materials na karaniwan ay pinauupahan sa lugar.

Sa impomasyon lumalabas na maliban sa isang casualty, may ilang residente na nasugatan at isang motorsiklo ang tinupok ang hindi na rin mapakinabangan matapos maabo.

Tinawag naman ng iba na mala-impyerno ang laki ng sunog na tumupok sa malaking lugar.

Una na ring nangyari ang malaking sunog noong nakaraang buwan sa katabi rin ng nasabing lugar.